Soltero

Ipinanganak naman daw tayong mag-isa, kaya ano pa
Ang ipagdadalamhati? Kapag bumitaw ang kahawak
Kamay, hindi ipinahihiwatig na nagwakas ang pag-iral
Ng isang pagsasalo. Bumabalik ka lamang sa iyong
Dating katayuan at ang pumanaw ay isang estado sa isip,
Isang lagay ng kapanatagan sa tuwing nababatid mong
Kailangan maglakbay at mayroon kang kalangkay.

May rikit sa pagbigkas ng kanyang pangalan. Sinta.
At parang iyong na ang primal na bokabularyo, isang
Sagisag ng malawak na kahulugan ng kaligayahan.
Sa bawat pagkakataon, bumabaling tayo sa imahen,
Tulad ng abot-tanaw, ng dagat na nasang languyin.
Isang daigdig ang baybayin at tanging ating yapak
Ang binabakas ng buhangin, isang sagradong lumbay.

Noon pa man, sa rurok ng pagmamahal, sumasapit
Tayo sa kathang ito ng pagsasamundo sa damdamin:
Tinatawag natin ang alon, ang hangin, ang umang
Na tanging tanod natin sa pagtamasa sa pag-iisa;
Umiibig tayong nag-iisa, gayong may pagnanasa,
Gayong tinitingnan natin ang sinta, mata sa mata,
At muling natatagpuan natin ang sariling kalawakan.

May iniiwan nga ba talaga, o may nang-iiwan?
Ang tiyak lamang ay ang naiwan; ang ermitanyong
Damdamin na naglakas-loob lansagin ang talupan,
Masumpungan lamang ang umaga ng dalampasigan.
Mananatili na siyang nakakapit sa daigdig na ito,
Hangad ang pagpalaot ng lahat ng pag-asam,
At pagkubling ganap sa ligtas na harayang paraiso.

Reblog / posted 1 year ago with 5 notes

  1. kwinikwinikwini posted this