Henerasyon Z
May hikaw sa tenga hindi lang dalawa
Lampas pa sa apat mga hikaw at pakaw
Mayro’n din sa ilong, dila, pusod at baba
Basta’t pwedeng butasan, kakabitan ng hikaw

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Di ka na makilala.

Minsa’y nagulat sa isang heep naranasan
Tenga ni totoy, singlaki ng piso ang butas
Nang siya’y pumara pagbaba sa jeepney
Laking disgrasya nang tenga ay sumabit

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Ikaw ay kakaiba?

MTV at musikang kay ingay ang iyong hilig
Pasigaw na pag-awit pangpatid ng litid
Mga mang-aawit na kay gugulo at tila lasing
At para yatang galit pa sa mundo ang dating

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Kay hirap mong unawain!

Kapag ikaw’y hinanap/ Wala doon sa eskwela
Nandoon pala sa kompyuteran, DotA ang libangan
Kundi pa rin makita sa mall magpunta
tuwang-tuwang nakatambay sa halip na nag-aaral

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Sa iyo’y anong nangyari na?

Tamad bumangon sa umaga, kay bigat ng katawan
Kaya’t sa klase’y aantok-antok at walang gana
Doon sa night life inubos ang gabi sa kasiyahan
Iba’t ibang hang-out sa Makati, Libis, at Ermita

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Nasaan na ang pag-asa?

Tila inaabuso ang kalayaang magpahayag
Wala pang pakundangan sinuman ang masabihan
Talamak na pagmumura at salitang di kaaya-aya
Sa’yo yata’y almusal, tanghalian, at hapunan na

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Bakit ka nag-iba?!

Makabasa’t makasulat kahit natutuha’y kay babaw
Sapat na ito masabi lang nakatuntong s eskwelahan
Sa karampo na tiyaga at katiting na pagsisikap
Inaasahan mo nga ba, maningning na tagumpay?

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Ano ba ang nasasaisip?

Malalaswang panuorin at mga babasahin
Sa iyo’y karaniwan na at laman lagi ng isip
Kaya’t sa murang gulang sarili’y di mapigil
Kay daling paalipin sa makamundong pang-aliw

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… May pag-asa pa ba sa iyo?

Sa bawat dilim ay may liwanag
Ang kawalan ay may hatid na kislap
Mayroong kinang doon sa kalawakan
Sa dulo ng bahaghari ginto’y matatanaw

Ikaw ba? Ikaw nga ba? Ikaw nga kaya?
Kabataan ngayon… Ikaw nga!

Ikaw mismo ang pag-asa
Ikaw ang siyang gagawa
Kung bubuksan lang ang isip
At muling mag-iiba ng dating
Ikaw nga kabataan ngayon!
Isang nilalang na hinubog sa kaanyuan ng Diyos
At pinanday sa mapagkalingang kamay ng tao
Di upang maging iba o kakaiba sa iba pa
Kundi maging isang nilalang na kung tawagin ay tao.